KALIBO, Aklan — Saksi ang mga kamag-anak sa lalawigan ng Aklan ng OPM icon na si April Boy Regino sa pagiging matulungin nito.

Ayon kay Mrs. Trinidad Regino, tiyahin ni April Boy sa Barangay Jugas, New Washington, Aklan, hindi maramot ang kanyang pamangkin at palagi nitong iniisip kung paanong makatulong sa mga kamag-anak at kaibigan na nangangailangan lalo pa noong kanyang kasikatan.

Noong bata pa aniya si April Boy kasama ang iba pang kapatid na sina Vingo at Jimmy ay palagi silang pinagbabakasyon sa Aklan ng kanilang ama na si Tomas Regino upang mabisita ang kanilang lolo sa Barangay Ugsod, Banga na si Enrico Regino at makadalo sa mga family reunion.

Pero hindi masyadong nagtatagal at bumabalik kaagad sa Maynila.

Huling uwi sa Aklan ng batikang singer noong 2006 matapos na mag-concert para sa kanyang mga kababayan.

Ilang sakit ang kanyang nalampasan tulad ng prostate cancer at pagkabulag ng kaliwang mata dahil sa diabetes.