Nagpaplano ang mga high-profile person deprived of liberty (PDLs), na inilipat sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro ng isang rally upang igiit ang kanilang pagbabalik sa New Bilibid Prison (NBP) sa Lungsod ng Muntinlupa.
Sinabi ng Bureau of Corrections na daan-daang mga PDL ng NBP, ay inilipat sa Sablayan Prison and Penal Farm mula sa NBP hindi lamang para ma-decongest ang pasilidad kundi para mapigilan din ang kanilang patuloy na kalakalan ng droga sa pamamagitan ng mga cellular telephone at iba pang gadgets.
Gayundin na maiwasan ang sabwatan kasama ang mga prison guard.
Mula nang matanggap ang impormasyon sa planong rally, sinabi ni BuCor Director Genreal Gregorio Catapang Jr na inalerto na niya ang mga tauhan sa loob ng piitan.
Kaugnay niyan ay sinabi ni Catapang na lumagda ang BuCor sa isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno para sa pagbuo ng isang inter-agency collaborative group na naglalayong labanan ang ilegal na droga.
Bukod sa BuCor, ang iba pang lumagda sa MOA ay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Inulit ni Catapang ang kanyang determinasyon na linisin at repormahin ang kawanihan sa kabila ng pagtutol ng ilang tauhan ng BuCor.