CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga inilikas na pamilya sa mga apektadong lugar sa Isabela, Cagayan at Nueva Vizcaya.
Batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 aabot na sa 3,557 pamilya ang inilikas o katumbas ng 11,738 na individual sa rehiyon.
Sa naturang bilang ay 581 ang nananatili sa mga evacuation centers habang 946 naman ang nakauwi na sa kanilang mga bahay o pansamantalang nakikitira sa mga kamag anak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na maraming pamilya ang inilikas sa northern portion ng Cagayan na pinakanaapektuhan ng bagyong Goring partikular sa Appari, Ballesteros, Tuao, Sto. Niño at Piat.
Una na silang nakapamahagi ng ready to eat food sa mga apektadong pamilya.
Samantala, muling siniguro ng DSWD Region 2 na handa na ang mga food packs na nakapreposition sa Batanes matapos na magbago ang direksyon ng Bagyong Goring na inaasahan nang tatama sa lalawigan.