-- Advertisements --

Kasabay ng mga ikinasang malawakang reporma sa sistema ng edukasyon, pormal nang sinimulan ng Department of Education (DepEd) ang serye ng mga orientation sessions sa buong bansa upang ihanda ang mga opisyal ng paaralan at mga guro sa nakatakdang paglipat sa three-term school calendar para sa papasok na School Year 2026–2027.

Ang naturang inisyatibo ay direktang utos ni DepEd Secretary Sonny Angara na naglalayong tiyakin na may sapat na gabay at suporta ang mga paaralan bago pa man tuluyang ipatupad ang mga bagong polisiya sa pagkatuto.

Binigyang-diin ng kalihim na mahalaga ang kahandaan ng mga nasa frontlines ng edukasyon.

Isa sa mga unang bahagi ng aktibidad ay idinaos noong Abril 8 sa Miriam College sa Quezon City, kung saan inilatag ng mga opisyal ang mga pagbabago sa ilalim ng Learning Systems strand.

Kabilang sa mga tinalakay ay ang revised classroom assessment and grading guidelines, pagpapalakas sa Senior High School curriculum, pagpapatupad ng flexible learning programs, at mga bagong panuntunan para sa work immersion at off-campus learning.

Alinsunod sa estratehiya ng DepEd, isasagawa ang mga orientation sessions sa pamamagitan ng isang phased approach.

Mauunang sumailalim dito ang mga regional and division officials at mga school heads na siyang magbababa ng impormasyon sa mga lokal na paaralan.

Nakatakda naman sa buwan ng Mayo ang mga hiwalay na sesyon para sa mga master teachers at classroom teachers.

Upang hindi maabala ang pahinga ng mga guro, mahigpit namang nilinaw ng DepEd na hindi sila obligado na pumasok o mag-report sa mga paaralan habang ipinapatupad ang kanilang 30-araw na bakasyon ngayong buwan ng Abril.