-- Advertisements --

Suportado ni Sen. Leila De Lima ang panawagan ng kaniyang mga kapwa senador sa Philippine Olympic Committee (POC) na ilabas ang audited financial statement para sa ginastos nito noong 30th Southeast Asian Games noong nakaraang taon.

Ginawa ni De Lima ang naturang pahayag nang makarating sa kaniya na hindi pa raw ibinibigay ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang kabuuang halaga na ginastos at kinita nito sa nasabing biennial competition.

Karapatan daw ng mga Pilipino na malaman kung magkano ang inilabas na pera ng PHISGOC sa SEA Games.

Kailangan din aniyang malamang ng publiko kung sino-sinong mga opisyal ng hahabulin kung sakali mang may makitang anomaliya rito. Hindi raw dapat balewalain ang posibilidad ng korapsyon at incompetence lalo na’t harap-harapan umano itong ginagawa.

Kamakailan lamang nang magpahayag ang POC ng kanilang kahandaan na magsampa ng kaso laban sa PHISGOC matapos ang bigong pagbibigay ng huli sa nasabing financial report.

Sa ngayon kasi ay wala pa ring pinapadalang financial report ang PHISGOC sa POC, kasama na ang kinita nito mula sa pagbebenta ng tickets, merchandises, broadcast rights at private funds na ibinigay naman ng mga local at international sponsorships.

Una nang pinalawig hanggang Oktubre 10 ang liquidation sa pondo ng SEA Games ngunit tila hindi naman ito pinansin nina dating House Speaker Alan Peter Cayetano at chief operating officer Ramon “Tats” Suzara.

May karapatan umano ang lahat na malaman kung paano ginagastos ang pondong inilaan sa bawat proyekto ng gobyerno, lalong lalo na ang mga naiulat nang may bahid ng katiwalian.

Gusto aniya nitong tukuyin ang mga tiwaling gawain upang hindi na maulit pa at kung may mga kababalaghang nangyari o may mamahaling kaldero na naman daw na ginastusan na wala namang naitulong sa kapakanan at pangangailangan ng taumbayan.

Dagdag pa ng senador, kung tunay man daw na walang itinatago ang mga opisyal ng PHISGOC ay matagal na nilang idinetalye ang kanilang gastos.

Una rito ay hinikayat na ni De Lima ang Kongreo na imbestigahan ang umano’y anomaliya at iba pang problema na bumabalot sa hosting ng Pilipinas sa 2019 SEA Games.

May kaugnayan din ito sa sinasabing utang pa ng organizing committee sa mga suppliers na aabot nman ng P387 million.