-- Advertisements --
DepEd Class
DepEd/ FB post

Nagbigay ngayon ng direktiba ang Department of Education (DepEd) na mananatili sa “alternative mode of learning” ang klase sa mga paaralang hindi nagagamit matapos maapektuhan ng bagyong Karding.

Kabilang na rito ang mga paaralang ginagamit bilang evacuation centers.

Paliwanag ni Education Spokesperson Atty. Michael Poa, magpapatupad muna ng distance learning at pamamahagi ng modules ang mga eskuwelahan na napinsala ng bagyo.

Maliban naman sa make-up classes ay maaari rin aniyang magbigay ng projects o assignments ang mga guro upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga bata.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Poa na otomatiko na ang suspensyon ng klase mula Kinder hanggang Grade 12 sa isang lugar kapag naglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ng Red o Orange Rainfall Warning.

Sa sandaling isinailalim naman sa Yellow Rainfall Advisory at walang banta ng pagbaha ay nakasalalay sa pasya ng local chief executives ang suspensiyon ng klase.