(Updated) Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tuloy ang mga aktibidad para sa mga estudyante sa kabila ng quarantine sa Metro Manila hanggang sa Abril dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DepEd Usec. Alain Pascua, magkakaroon sila ng ilang araw lamang na pasok sa susunod na linggo para sa pagsusulit habang may online examination din bilang alternatibo sa iba pang mag-aaral.
Una rito, inisyal na napag-usapan ang transmutation para sa marka ng mga bata kung saan kukunin ang average sa nakalipas na grading periods.
Habang sa mga paaralan sa labas ng Metro Manila ay mananatili ang Abril 13 hanggang 17 na schedule ng graduation at moving up activities.
Samantala, nilinaw ng kampo ni DepEd Sec. Leonor Briones na hindi nagkaroon ng direct exposure ang kalihim sa suspected COVID carrier.
Ayon kay Director Jun Gudoy ng DepEd Public Affairs, ang boluntaryong pagsailalim ni Briones sa 14 days self quarantine ay bilang precautionary measure dahil ilang DepEd officials ang dumalo sa pagdinig sa Senado.
Hindi naman kasama sa naturang Senate hearing ang DepEd secretary.
Kung maaalala, nitong March 11 ng gabi nang mapaulat na ni-lockdwon ang Senate building matapos umanong mag-positibo sa COVID-19 ang resource person na dumalo sa pagdinig.
Dahil dito, ilang senador ang agad sumailalim self-quarantine kabilang sina Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Nancy Binay.