Mga District Hospitals, inatasang magdagdag ng bed capacity kasabay ng pagtaas ng tinatamaan ng COVID-19 sa Isabela
CAUAYAN CITY- Ipinag-utos na ni Governor Rodito Albano sa mga District Hospitals na dagdagan ang kanilang bed capacity para sa mga COVID-19 patients dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Elizabeth Binag, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na noong Biyernes ay naglabas na ng kautusan si Governor Albano sa Isabela Provincial Health Office (IPHO) na dagdagan ang mandatory capacity ng mga District Hospitals na pagmamay-ari at pinamamahalaan ng pamahalaang panlalawigan.
Kung matatandaan ay 30% ang mandated na capacity na ibinigay ng DOH sa mga district hospitals para sa mga COVID-19 patients.
Alinsunod na rin ito sa IATF Resolution no. 2 na kailangang iquarantine ang lahat ng mga contacts ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Tiniyak naman ni Atty. Binag na sa kabila ng pagsipa ng kaso ng virus sa Isabela ay wala pang pinag-uusapan na province wide na pagtaas ng quarantine restrictions at tanging calibrated lockdown lamang sa mga lugar na apektado.