Pumapalo na sa halos kalahating milyon ang dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Manila North Cemetery.

Sa pagtaya ng mga otoridad, nasa 43,000 katao ang pumapasok sa sementeryo kada oras at inaasahang aabot ito sa dalawang milyong katao hanggang mamayang gabi.

Kapansin-pansin namang mas maayos na ngayon kompara sa nakaraang taon dahil wala ng nagbebenta sa loob ng Manila North Cemetery, mas maayos na rin ang pila ng mga tao kahit siksikan, at maging sa labas ay iilan lamang ang pinayagang makapagtinda ng kandila, bulaklak at mga pagkain, alinsunod sa direktiba ni Manila City mayor Isko Moreno.

Sa loob, may 50 e-tryke na umiikot at libre hanggang alas-2:00 bukas ng madaling araw.

Samantala, may iba’t-ibang gimik din sa loob at labas gaya ng mga libreng pa-kape, pa-lugaw at libreng charge ng mga cellphone.

May mga boluntaryo ring nangongolekta ng mga basura kung saan kanila pang pinaghihiwalay ang mga plastic, lata, bote, papel at mga nabubulok na basura.