Nasa ligtas na kalagayan ang lahat ng crew members ng isang cargo ship na sumadsad, Biyernes ng gabi sa baybaying sakop ng Barangay Polo, New Washington, Aklan.
Ang naturang maritime incident kung saan sangkot ang domestic vessel na LCT Golden Bella na may sakay na 14 na crew members kasama ang kapitan ay agad na nirespondehan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police at mga opisyal ng naturang barangay.
Ayon kay Chief Mate Hector Mendoza Calo, umalis ang barko sa port ng Danao City na walang karga at patungo sana sa Batangas port.
Dumaan lang umano ang kanilang barko sa Aklan, ngunit naka-encounter sila ng subasko na hindi nakayanan ng kanilang makina.
Dahil sa malalaking alon at malakas na hangin, napadpad sila sa dalampasigan.
Ang insidente ay pinagkaguluhan ng mga residente dahil ito umano ang unang pagkakataon na may dinagsang barko sa kanilang lugar.
Kumpiyansa si Calo na sakaling magkaroon ng high tide ay muli silang Makakalayag.