Tiniyak ng PNP Directorate for Logistics na full operational na ang mga body worn cameras sa buwan ng Marso.
Ngayong araw, sumailalim sa body-worn camera system training ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay PNP Logistics director M/Gen. Angelito Casimiro, may mga tatapusin na lamang silang mga hakbang na bahagi ng acceptance and delivery package at sa huling linggo ng buwan ng Marso magagamit na ang mga body worn cameras sa iba’t ibang PNP operations lalo na sa kanilang anti-illegal drug operations.
Ani Casimiro, ang mga body camera ay siyang magsisilbing kakampi nila sa operasyon.
Layon nito mapawi ang duda ng publiko sa kanilang operasyon lalo na sa isyu ng iligal na droga.
Sinabi pa ni Casimiro, tuturuan ang mga pulis sa tamang protocol sa paggamit ng mga body worn cameras.
Ang mga ground commanders naman ang in-charge sa operasyon ang siya ring magdidikta kung ilang mga body cam ang kanilang gagamitin sa operasyon.
Maaari rin itong i-live stream sa kanilang system o recorded lamang.
Nilinaw din nito na kapag nagsimula na ang recording ng body cameras hindi na ito pwedeng ihinto.
Automatic din itong ida-download ng system ang mga videos na kuha ng body cam.
Nasa mahigit 2,600 body cams ang kanilang binili na ipamamahagi sa iba’t ibang police station sa bansa.
Malaking hamon din daw sa PNP ang signal ng internet para sa mga body worn cameras.
Bawat himpilan ng pulisya sa buong bansa ay tatanggap ng tig-16 na body camera kung saan walo sa mga ito ang siyang gagamitin ng mga operating teams.