Dumating na ang padalang palay ni North Korean leader Kim Jong un para sa mahigit 900 kabayahan at 600 ektarya ng palayan na naapektuhan sa pagbaha.
Ito’y matapos ang ginawang pangako ni Kim na mamamahagi siya ng kaniyang sariling imbak ng palay sa mga biktima ng pagbaha kasunod ang pagbisita nito sa Taechong-ri area ng Unpha County na matatagpuan sa North Hwanghae Province.
Batay sa report ng Korean Central News Agency, namataan sa Unpha County ang mga truck na may sakay na mga palay at nagsagawa naman ng isang seremonya bilang pasasalamat kay Kim.
“Great loving care of Supreme Leader Kim Jong-un who prioritizes safety and happiness of people and spares nothing for them has reached people in the flood-hit area of Unpha County,” saad sa KCNA.
Ang nakareserbang palay ni Kim ay maaaring gamitin sa oras na ipag-utos niya ito kung sakali man na kailanganin sa krisis o gyera.
Aabot ng 730 kabahayan at 600 ektarya ng pananim ang nasira sa Unpha County dahil sa pagbaha bunsod naman ng malakas na ulan. Inaasahan naman na magpapatuloy pa ito hanggang bukas.