CAUAYAN CITY – Puspusan pa rin ang ginagawang relief operation ng lokal na pamahalaan sa libu-libong mga residente na naapektuhan ng pagbaha dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses sa Ilagan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan narating na ng mga otoridad at nahatiran na ng tulong ang mga barangay na lubhang naapektuhan ng pagbaha na kinabibilangan ng Sipay, Alinguigan 1st, Alinguigan 2nd, Alinguigan 3rd, Aggasian, Fugu, Malalam, San Ignacio, Guinatan, Sto Tomas at Camunatan.
Pangunahin pa ring inaalala ng pamahalaang lungsod ang mga lugar na lubhang nalubog sa tubig baha at ang mga residenteng walang naisalbang kagamitan.
Sa ngayon ay umaasa na lamang sa tulong na ipapaabot ng pamahalaang lungsod ang ilang residente habang unti-unting bumabangon mula sa hagupit ng kalamidad.