Dumating na Qatar ang ilang mga sundalo mula sa ibang bansa na para magbigay ng seguridad sa FIFA World Cup na gaganapin sa huling linggo ng Nobyembre hanggang Disyembre.
Mayroong 13 bansa kasi ang nangako na magpapadala sila ng mga sundalo sa Qatar para tumulong sa pagbibigay ng seguridad.
Nitong nakaraang mga linggo lamang ay nagsagawa ang Qatar security forces at mga sundalo ng 13 bansa ng limang araw na security exercises sa bansa.
Ang hakbang na ito ay para matiyak na handa ang mga ito sa pagresponde sakaling magkaroon ng emergency.
Isa ang Turkey na nagpadala na ng mahigit 3,000 riot police officers na itatalaga sa mga stadiums at hotels.
Magpapadala rin ang Turkey ng 100 special operations police officers, 50 bomb specialist at 80 sniffer dogs.
Sinabi naman ni Turkish interior minister Suleyman Soylu na noong Enero ay kanilang sinanay ang 677 Qatari security personnel sa 38 different professional areas.
Nasa Qatar na rin ang mga sundalo ng Pakistan habang ang France ay mayroong ipapadala na 220 na sundalo.
Magpapadala naman ang Morroco ng mga cybersecurity experts sa Qatar at ang United Kingdom ay magpapadala ng ilang Royal Navy at mga maritime experts.
Inaasahan kasi ng Qatar ang pagdating ng nasa mahigit 1.2 milyon na football fans sa torneo na magsisimula sa Nobyembre 20 hanggang Disyembre 18.