Iginiit ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na dapat magkaisa ang mga bansa sa Southeast Asia sa pagtuligsa sa agresyon ng China kasunod ng brutal na pag-atake ng kanilang law enforcers sa mga mangingisdang Vietnamese sa disputed waters.
Ayon sa opisyal, nagpapahintulot lamang sa China Coast Guard na gawin ang kanilang mga ilegal na aktibdiad nang may impunity ang pagiging tahimik sa kanilang mga aksiyon.
Saad pa ni Comm. Tarriela na hindi lamang banta sa ating exclusive economic zones ang barbaric, agresibo at ilegal na mga aksiyon ng China kundi nilalagay din nito sa peligro ang international rules-based order.
Inihayag din niya na nagpapakita ang naturang insidente na napuno na ang mangingisdang Vietnamese ng bullying tactics ng China at nagpasyang manindigan. Aniya, handa ang China na atakehin maging ang mga inosenteng sibilyan.
Una na ngang inakusahan ng Vietnam ang Chinese law enforcers na pinagpapalo ng iron bars ang nasa 10 mangingisdang Vietnamese at ninakawan pa ng kanilang mga huling isda at equipment habang nasa Paracels Islands noong Setyembre 29.
Sa latest incident video na ibinahagi sa X, makikita ang Chinese uniformed personnel na sakay ng inflatable boats na umakyat at sumampa sa fishing vessel ng mga mangingisdang Vietnamese. Hinarang din ng China Coast Guard patrol vessel ang naturang fishing boat. Sinubukan namang lumaban ng mga mangingisdang Vietnamese sa Chinese forces gamit ang bamboo poles.
Samantala, una na ring kinondena ng National Security Council ng Pilipinas ang naturang aksiyon ng China at tinawag bilang hindi makatarungang pg-atake at ang nakakaalarmang aksiyon ay walang lugar sa pandaigdigang ugnayan.