-- Advertisements --
11aecbc08cef52d18505957f00f32944

Pinabulaanan ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga balitang kumakalat kaugnay sa umano’y pagbabago sa ipinapatupad na number coding scheme sa National Capital Region.

Giit ng MMDA, walang pagbabago sa kanilang ipinapatupad na number coding scheme sa buong Metro Manila.

Ito ang binigyang-diin ng ahensya kasunod ng mga ulat na inilipat na umano ng Metro Manila Council sa 7am hanggang 7pm ang number coding scheme sa ilang bahagi ng rehiyon.

Sa isang statement, nilinaw ng MMDA na nananatili pa rin sa 7am hanggang 10am at 5pm hanggang 8pm ang number coding scheme na ipinapatupad nito sa Metro Manila mula Lunes hanggang Biyernes maliban nalang tuwing weekend at holidays.

Habang ang window hours naman ay nananatili pa rin hanggang 10:01am hanggang 4:59pm.

Ipinapatupad naman ang 7am hanggang 7pm number coding scheme sa lungsod ng Makati nang walang umiiral na window hours.

Samantala, sinuspindi naman ng MMDA ang expanded number coding scheme sa mga araw na itinakdang special non-working holidays kabilang na ang mga sumusunod:

BSKE – OCTOBER 30, 2023
ALL SAINT’S DAY – NOVEMBER 1, 2023
ALL SOULS DAY – NOVEMBER 2, 2023.