KORONADAL CITY – Bumalik na sa kani-kanilang tahanan ang daan-daang mga residente na lumikas sa Barangay Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao nitong Sabado.
Ang mga bakwit ay ay kasunod ng paghasik ng karahasan ng grupo ni Ustadz Solaiman Tudon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan Faction.
Ito ang kinumpirma ni Boy Tocao, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Datu Paglas sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Tocao, nagbigay ng “go signal” ang mga sundalo na “cleared” na ang lugar at ligtas nang umuwi sa kanilang tahanan ang mga residente matapos na naging normal na rin ang sitwasyon.
Kinumpirma rin ni Tocao na umuwi lamang si Ustadz Tudon sa kanilang lugar sa Sitio Mopak at walang planong maghasik ng karahasan ngunit nakita ng mga sundalo kaya nangyari ang engkuwentro.
Ayon sa opisyal, nakita pa ng mga residente ang pagsidatingan ng mga kasapi ng BIFF-Karialan at dahil sa pinaputukan na ang mga ito ng mga sundalo kaya nauwi sa paglikas at pagtaas ng tensyon sa bayan.
Aminado rin si Tocao na residente ng Datu Paglas si Tudon at doon nakatira ang mga kamag-anak nito kaya hindi malayong hindi siya babalik sa lugar upang kumuha ng pagkain o anumang suporta.
Idagdag pa rito na naging Sanggunian Kabataan chairman noon ng lugar si Tudon at naging Ustadz ng Madrasah doon.
Samantala, nakunan naman ng mga residente ang pagdaan ng mga reblede sa mga bahay bago pa man nangyari ang sagupaan.