-- Advertisements --

creek1

Nagsagawa ng inspeksyon sa mga bahaing lugar ang mga opisyal ng Quezon City, Caloocan City, at MMDA Flood Control and Sewerage Management Office.

Kasama nila ang mga eksperto mula sa University of the Philippines – Resilience Institute, na katuwang ng Quezon City government para sa binubuong QC Drainage Master Plan.

Natukoy sa inspeksyon ang mga balakid sa mga daluyan ng tubig, gaya ng mga nakaharang na puno, iligal na istraktura, mga pagkitid ng daluyang-tubig, at mga biglaang pagliko ng mga nasabing daluyan.

Ang mga ito ang siyang nagiging sanhi ng pagbagal ng daloy ng tubig, at sa panahon ng malakas o tuloy-tuloy na pag-ulan ay nagdudulot ng pagbaha.

Magtutulungan at magsasagawa ng mga proyekto ang Quezon City LGU, Caloocan City LGU, at MMDA upang mabawasan, kundi para tuluyang maiwasan ang pagbaha sa mga lugar sa boundary areas ng dalawang lungsod.

creek2

Kabilang sa mga ininspeksyong lugar ay ang San Agustin Creek sa Sitio Kawayan sa Barangay San Agustin, QC; at Recomville, FC Bartolome Ville at Dolmar Golden Hills Subdivision sa Barangay 169, Caloocan City, kung saan dumudugtong ang San Agustin Creek.

Pinamunuan ni punong barangay, Atty. Ramiro Osorio ng Barangay San Agustin ang nasabing inspeksyon.

Sa Barangay Baesa, QC, pinamunuan ni Punong Barangay Gemma Juan, at Kagawad Ed Juan ang pag-inspeksyon ng Manotok Creek sa Retales Street, TS Cruz Subdivision, na lumalabas sa Quirino Highway, at ang karugtong nitong Mendez Creek sa Mendez Road.

Magdudulot ng solusyon sa pagbaha sa mga Barangay 158, 161, at 163 sa Caloocan City ang mga isasagawang proyekto sa Manotok Creek at Mendez Creek.