Kailangan nang magkaroon ng mga panibagong polisiya ang pamahalaan upang sa gayon ay masolusyunan ang pagtaas ng presyo ng bilihin, ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo.
Sinabi ito ni Quimbo matapos na iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nanatili sa 4.5% ang inflation rate noong Abril, kapareho ng naitala noon namang Marso ng kasalukuyang taon.
Bagama’t magmula noong bagong taon ang average high ng inflation rate ay 4.5%, sinabi ni Quimbo na maaring mapahupa ang paggalaw ng mga presyo kapag kikilos nang mabilis ang pamahalaan.
Sa datos na inilabas ng PSA, natukoy na main contributor pa rin sa April inflation ay ang presyo ng pagkain at mga non-alcoholic beverages, na pumapalo sa 40.9% ng overall inflation.
Ito ay resulta pa rin ng inflation sa karne, tulad ng sa baboy na umabot sa pinakamataas ngayong taon sa 22.1 percent.
Sinundan naman ito ng inflation sa pamasahe na mayroong 32% share sa overall inflation.
Noong nakaraang linggo, inihain ni Quimbo ang House Bill No. 9256 o ang Affordable Pork Act of 2021 para payagan ang pamahalaan na direktang makabili ng pork meat upang sa gayon ay maging stabilize ang presyuhan sa tuwing mayroong emergency.
Sumulat na rin siya sa Department of Interior and Local Government (DILG) para hilingin naman na payagan na ang mga magkakasama sa bahay na sumakay sa iisang pampublikong sasakyan, partikular na sa mga tricyle na base sa datos ng PSA ay mayroong 48.4 percent na pagtaas sa inflation ng pamasahe.
Sa ngayon kasi, walang pinipiling exemption ang patakaran na naglilimita sa bilang ng pasahero na puwede lamang isakay ng mga tricycle at iba pang pampublikong sasakyan, dahilan para sumirit ang kanilang sinisingil na pamasahe.