KALIBO, Aklan — Nakapagtala ang New York City ng mabilis na pagtaas ng kaso ng monkeypox virus.
Ayon kay Bombo International Correspondent Greg Aguilar na batay sa pinakahuling datus, umaabot na sa 267 ang kaso ng monkeypox sa New York.
Karamihan aniya sa mga pasyente ay hindi na nagpapadala sa ospital at mas pinipiling manatili sa kanilang bahay.
Napansin rin umano ng New York City Department of Health and Mental Hygiene na karamihan sa mga tinatamaan ng sakit ay mga bading na sexually active at mga bisexual men dahilan na sila ang prayoridad ngayong maturukan ng monkeypox vaccines.
Lahat ng mga lalaki na may edad 18 na nakipagtalik sa kapwa lalaki o nagkaroon ng iba’t-ibang partners sa nakalipas na 14 araw ay hinihikayat na magpabakuna.
Ang two-dose vaccine aniya na tinatawag na Jynneos ay aprubado ng FDA para sa monkeypox at smallpox subalit limitado pa ang supply.
Sa kabilang daku, sinabi pa ni Aguilar na pinayuhan ngayon ang mga bading at bisexual sa Amerika na huwag munang makipagtalik sa multiple partners upang maiwasan ang hawaan ng monkeypox.