-- Advertisements --

Binalaan ng ilang ahensiya ng gobyerno ang publiko habang nalalapit ang Holy week laban sa scams na tinatarget ang mga turista at biyahero.

Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director, Undersecretary Alexander Ramos, ang ilang mga ahensiya ng gobyerno sa cybercrime, law enforcement, transportation at sektor ng turismo ay nagtutulungan na para mapataas ang presensiya ng kanilang kawani para protektahan ang mga turista at biyahero sa kasagsagan ng Semana Santa.

Subalit sinabi ni Ramos na mahalagan matukoy ng publiko ang mga gawain na scam at iba pang criminal activities para maproteksyunan ang kanilang sarili at hindi mabiktima.

Sa isinagawang information campaign ng ahensiya, natukoy ang 14 na magkakaibang scams na kailangang iwasan ng publiko.

Kabilang dito ang mga fake accommodations gaya ng iniaalok na mga villas, apartments o umano’y lehitimong hotel rooms na ina-advertise sa hindi kapani-paniwalang murang presyo subalit hindi naman talaga ito nagi-exist.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga biyahero at turista na mag-book ng accommodations sa mga mapagkakatiwalaan lamang na mga ahensiya o websites, iberipik muna ang mga reviews at direktang makipag-usap sa may-ari ng nasabing mga accommodations o sa personnel ng hotel.

Nagbabala din ang ahensiya sa publiko laban sa malicious public Wi-Fis na nagnanakaw ng personal information, too-goo-to-be-true deals gayundin ang free vacation scams, fake travel agents, overpriced tours, charity cons, lost luggage na ibinibenta sa Facebook, pekeng SIM cards at murang airline tickets na ibinibenta online.

Samantala, ipapakalat naman ang naturang information campaign sa mga bus station, seaports, trains, airports, at iba pang transportation at tourism hubs sa pamamagitan ng tulong ng DOTr, DOT at PNP.

Maaari namang isumbong ng publiko ang travel scams sa hotline ng CICC na 1326 o dumulog sa DOTr para sa anumang travel concerns sa pamamagitan ng commuter hotline na 0920 964 3687.