-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nagbunga ang ginawang paghahanda ng mga atleta ng Pilipinas sa pagsabak sa kauna-unahang pagkakataon sa Kun Bokator sa Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia.

Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, nasabi nina Angel Derla, gold medalists at Mark James Lacao, silver medalist sa naturang laro na naging kabado sila sa kanilang performance dahil hindi sa kanila pamilyar ang Kun Bokator.

Ito anila ay tradisyonal na martial arts sa Cambodia kung saan ipinapakita ang malapitang hand-to-hand combat, ground technique at paggamit ng iba’t-ibang sandata.

Nabatid na kapwa pencak silat practitioner ang dalawa kung saan si Lacao ay bihasa sa combat sports.

Ayon kay Derla halos dalawang buwan silang nag-isolate training upang mapag-aralan ng husto ang Kun Bokator.

Proud umano siya at naging memorable ang pagkapanalo dahil natalo nito sa single bamboo shield form event ang pambato mismo ng Cambodia na si Chanchhprvy Puth kung saan dito nag-originate ang laro.

Si Derla ay first time na lumahok sa SEA Games habang si Lacao ay ikalawang beses ngayon.

Sa kabilang daku, ibinahagi naman ni Lacao na hanggang sa ngayon ay hindi siya makapaniwala sa kanyang pagkapanalo.

Ngunit sa pamamagitan ng disiplina at sa tulong ng kanilang mga coaches ay nakamit ang tagumpay kasama ang iba pang atletang Pinoy.