-- Advertisements --

Binatikos ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang mga supporters ni Vice President Sara Duterte sa umano’y pagtatangkang siraan ang House prosecution panel bago ang gaganaping impeachment trial sa Senado.

Inihayag ito ni Ridon, matapos isangkot ng 18 dating opisyal ng Marines ang ilang mambabatas, kabilang ang mga miyembro ng prosecution team—sa umano’y paghahatid ng mga maletang may lamang pera sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nuong June 4.

Ayon kay Ridon, malinaw na layunin ng nasabing pagdinig na mag-iwan ng pagdududa sa kredibilidad ng prosekusyon, ngunit tiniyak niyang hindi ito makapipigil sa paglalahad ng katotohanan sa Senate impeachment court.

“Kahit ano pong ibato ng 18 marines at ng kung sino man ho na sumusuporta sa pangalawang pangulo, tuloy po impeachment trial. We will not be deterred,” ani Ridon.

Idinagdag pa ng mambabatas na handa nilang ipresenta ang lahat ng matitibay na ebidensya laban sa Bise Presidente, kabilang ang mga bank account at transaksyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Mariing itinanggi ni Ridon ang mga alegasyon laban sa kaniya at binigyang-diin na hindi kailanman nabanggit ang kaniyang pangalan sa orihinal na affidavit ng grupo noong Pebrero, at tila hinabol na lamang ito sa nagdaang pagdinig.

Na-impeach si Duterte ng Kamara noong Pebrero sa suporta ng 257 mambabatas.

Nakatakdang magsimula ang pre-trial ngayong buwan bago ang pormal na paglilitis sa July 6,2026.