Lilimitahan lamang ng Kamara sa proposed economic provisions ang amiyendang tatalakayin sa ilalim ng 1987 Constitution.
Ayon kay House Committee on Constitutional Amendment chairman Alfredo Garbin Jr., malinaw na nakasaad sa Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco na ang amiyenda sa mga economic provisions ng Saligang Batas lamang ang tanging agenda sa itinutulak nito na Charter change (Cha-cha).

Nakasaad sa naturang resolusyon lalagyan lamang ng parirala na “unless otherwise provided by law” ang anila’y “restrictive” na economic provisions ng Konstitusyon.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Garbin na mabibigyan nang kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga sinasabing restrictions na ito para makapaghikayat ng foreign investments sa oras na kailanganin ito ng ekonomiya ng bansa.
Kaya naman alinsunod sa utos ni Speaker Velasco, iginiit ni Garbin na walang political amendment proposal na tatalakayin ang kanyang komite.
Alas-10:00 ng umaga bukas, nakatakdang simulan ng komite ni Garbin ang kanilang talakayan sa proposed amendments, kung saan imbitado sina dating National Economic and Development Authority chiefs, Gerardo Sicat at Ernesto Pernia, Dr. Raul Fabella ng UP School of Economics, Jose Enrique Africa ng Ibon Foundation, at Calixto Chikiamco at Gary Olivar ng Foundation for Economic Reform.
Nauna nang tiniyak ni Velasco sa publiko na ang mga diskusyon sa economic Cha-cha ay magiging transparent at patas.
Layon lamang aniya ng resolusyon niya na luwagan ang restrictive economic provisions sa Saligang Batas na humaharang sa Pilipinas para maging fully competitive sa mga kalapit na bansa sa Asia.
















