-- Advertisements --

Kinondena ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang ginagawang red-tagging sa mga aktres na sina Liza Soberano, Miss Universe 2018 Catriona Magnayon Gray, Angel Locsin ay iba pang aktibista.

Ito ang naging reaksyon ng mambabatas sa ginawang pagbabanta ni Southern Luzon Command (Solcom) chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr., laban sa mga celebrities na nakikisawsaw umano sa women’s group na Gabriela.

Pinatutsadahan din ni Parlade ang tahasang pagbibigay komento ng mga artista sa nagaganap na pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan.

Sinabi ng senador na wala umanong basehan ang mga paratang sa nabanggit na personalidad at magdudulot lamang daw ito ng kapahamakan sa buhay at seguridad ng nakararami.

Nakipagkwentuhan lang aniya si Liza pero kaagad na itong nakatanggap ng banta sa kaniyang buhay. Bukod pa rito, binastos pa ang aktres at binantaan ng rape ngunit nakatanggap pa rin ito ng pananakot sa kaniyang buhay.

Nanawagan din ito sa mga high-ranking officials ng pulis at military na huwag kaagad i-label at i-red tag ang mga taong nais lamang ipahayag ang kanilang opinyon sa mga nagaganap sa bansa.

Ayon daw kasi sa Saligang Batas, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dapat na magtanggol sa taumbayan at hindi maniniil. Maituturing aniya na unprofessional ang naging pahayag ni Parlade.

Kung maaalala, ilang uling na-red tag si Pangilinan kasama ang kaniyang anak na si Frankie dahil sa pagpyansa ng ga ito sa mga indibidwal na inaresto dahil pumila sila sa rasyon ng pagkain sa Quezon City, na itinuruting naman na paglabag sa lockdown restrictions ng lungsod.

Dagdag pa ng mambabatas, hindi dapat ituring kaagad na komunista o terorista ang mga taong nagpapahayag lamang ng kanilang pananaw.

Hinikayat din nito ang publiko na suportahan ang mga aktres at indibidwal na hindi natatakot na kwestyunin at magbigay ng solusyon sa problema ng bansa.

Hindi aniya krimen ang magpahayag ng opinyon kung paano mapapabuti ang Pilipinas.