-- Advertisements --

Umapela si Cardinal Pablo Virgilio David sa kongreso na magpasa na sa lalong madaling panahon ng batas na magbabawal sa political dynasty sa bansa.

Ito ay kasunod ng naunang kautusan ng Supreme Court (sc) sa Kongreso na magpasa na ng isang anti-dynasty law, bilang tugon sa probisyon ng 1987 constitution ukol sa pagbabawal sa political dynasty sa bansa.

Giit ni Cardinal David, nagsalita na ang kataas-taasang hukuman at panahon na para gumawa ng akmang batas ang kongreso.

Binalikan din ng church leader ang pahayag ng SC na nakagawa ang kongreso ‘grave abuse of discretion’ sa patuloy nitong kabiguan na magpasa ng naturang batas, sa kabila ng malinaw na probisyon ng saligang batas.

Aniya, 39 na taon na mula noong nagawa ang 1987 PH constitution ngunit wala pa ring nagagawa ang legislative department na akmang batas.

Dahil dito, mismong ang SC na aniya ang nagsasabi na ang political dynasty ay isa nang malawak na sistema sa Pilipinas.

Marami sa mga ito, ayon sa Cardinal, ay pumasok na rin sa party-list system.