KALIBO, Aklan- Asahan ang iba’t ibang environmental activities sa magaganap na LoveBoracay mula sa Abril 29 hanggang Mayo 1 na sesentro sa sustainability concept.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos, ito aniya ang ipinalit ng Boracay Inter Agency Task Force (BIATF) sa sikat na LaBoracay na pawang beach party lamang.
Kaugnay nito, nakahanda na aniya ang iba’t ibang aktibidad tulad ng beach at coastal clean up na isasagawa ng kanilang tanggapan at iba pang volunteer sector.
Sa pamamagitan nito ay maipabatid sa mga turista at residente ang kahalagahan ng pag-aalaga sa paligid at sa buong isla.
Hindi man ito kasing katulad sa kinasasabikan at inaabangan na malaking pagtitipon dahil sa kaliwa’t kanan na event sa dalampasigan, inaasahan pa rin ang pagbuhos ng maraming turista dahil may mga establisyimento na nag-organisa ng beach party para sa kanilang mga guest.
Samantala, umaasa ang Malay Tourism Office na madagdagan ang carrying capacity sa isla dahil rekomendado na aniya ito ng iba’t ibang sektor dahil hindi na maawat ang muling pagkabuhay ng industriya ng turismo lalo na ngayong summer season.