BAGUIO CITY – Nakikipag-ugnayan na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pamilya ng Pinoy na kasama sa 26 na kataong nasawi sa nangyaring arson attack sa port city ng Coatzacoalcos, Mexico, nitong Agosto 27.
Nakilala ang Pinoy seaman na si Nathaniel Apolot Alindan, 34-anyos at taga-Bakun, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa pamilya Alindan, sinabi ng mga kaanak nito na posibleng aabot sa isang linggo ang proseso bago maiuwi ng bansa ang bangkay.
Batay sa report, naka-bakasyon si Alindan at ang kanyang kababayang seaman na Pinoy kung saan nagtungo sila sa El Caballo Blanco Nightclub na sinunog ng mga pinaniniwalaang kasapi ng gang.
Ayon sa pulisya, isinara ng mga suspek ang mga emergency exits bago nila sinunog ang entrance hall.
Labis ang pagkondena ni President Andrés Manuel López Obrador sa insidente at kinumpirma nito na karamihan sa mga biktima ay namatay dahil sa suffocation.
Nakilala ang isa pang namatay na Pinoy seaman na si Bryan Varron ng Ormoc, Leyte.