-- Advertisements --

Patay ang isang 23-anyos na Mexican social media influencer na si Valeria Marquez matapos barilin habang naka-livestream sa TikTok.

Pinatay si Marquez noong Martes habang nasa isang beauty salon sa Zapopan, kung saan siya nagtatrabaho. Ayon sa mga ulat, may lalaking pumasok at agad siyang binaril.

Makikita sa kanyang TikTok livestream na ilang segundo bago ang pamamaril, hawak ni Marquez ang isang stuffed toy at sinabing: “They’re coming.” Isang boses sa background ang narinig na nagsabing “Hey, Vale?” at sinagot niya ito ng “Yes,” bago niya pinatay ang audio.

Makalipas ang ilang sandali, narinig ang alingawngaw ng putok ng baril at may taong dumampot ng kanyang telepono, na tumambad pa sa camera bago tuluyang natapos ang video.

Ayon sa pahayag ng Jalisco state prosecutor, posibleng femicide ang motibo sa krimen — ang pagpatay sa kababaihan dahil sa kanilang kasarian.

Ayon sa batas sa Mexico, ang femicide ay maaaring may kinalaman sa karahasan, sexual abuse, at dating may ugnayan sa salarin, o ang paglalantad ng katawan ng biktima sa publiko.

Samantala si Marquez ay may halos 200,000 followers sa Instagram at TikTok. Sa parehong livestream, binanggit din niya na may nagtangkang maghatid sa kanya ng mamahaling regalo sa salon, bagay na ikinabahala niya.

Ayon sa datos ng UN Economic Commission for Latin America and the Caribbean, pang-apat ang Mexico (kasama ang Paraguay, Uruguay, at Bolivia) sa may pinakamataas na kaso ng femicide sa rehiyon, na may 1.3 kaso sa bawat 100,000 kababaihan noong 2023.

Ang Jalisco, kung saan nangyari ang krimen, ay ika-6 sa may pinakamaraming kaso ng homicide sa Mexico ngayong taon, base sa datos ng TResearch.