-- Advertisements --

Nagkasundo na ang mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na gawin na lamang optional ang pagsusuot ng face shields, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos.

Sa isang panayam, sinabi ni Abalos na sa mga ospital, health centers, at public transportation na lamang nais ng mga Metro Manila mayors gawing mandatory ang pagsusuot ng face shields.

Kaya naman iginiit ni Abalos na suportado nila ang mungkahi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na huwag nang obligahin ang mga tao sa pagsusuot ng face shields sa ilang lugar.

Ngayong araw, sinimulan na ng Manila City government ang hindi pag-oobliga sa mga papasok sa lungsod nang pagsuot ng face shield base na rin sa ilalim ng executive order na inilabas at nilagdaan ni Mayor Isko Moreno.

Nakasaad sa naturang kautusan na mananatili namang mandatory ang pagsuot ng face shield sa hospital settings, medical clinics, at iba pang medical facilities.

Tinukoy ng alkalde ang paglalagay sa Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 2 at mga ulat na karamihan sa mga miyembro ng IATF ang nais nang ibasura ang kautusan sa pagsusuot ng face shield.