-- Advertisements --

Masisilayan ngayong buwan ng Abril ang pambihirang meteor showers at comet.

Ayon sa inilabas na astronomical diary ng state weather bureau, matutunghayan ang pinakamaliwanag na Comet 12P/Pons-Brooks at pagdaan sa perihelion kung saan ang planeta o ibang astronomical body ay pinakamalapit sa araw sa Abril 21 habang ito ay nasa taurus constellation na may tinatayang visual magnitude na 4.6.

Para makita naman ang nakamamanghang astronomical event maaaring gumamit ng binocular na mayroong 40- to 50-millimeter aperture o maliit na telescope.

Samantala, maoobserbahan naman ang Lyrid meteor shower sa gabi ng Abril 14 hanggang 30 at magpe-peak ito sa Abril 22.

Magiging visible ito sa oras na ang tumaas ang constellation Hercules dakong 9:15 pm kada gabi sa nasabing period at masisilayan hanggang 5:13am ng susunod na araw.

Ang pinakamainam na oras para panoorin ang meteor shower ay bago mag-madaling araw kung saan aabot hanggang sa 18 meteors kada oras ang masasaksihan.

Samantala, ang π-Puppids naman ay makikita mula Abril 15 hanggang 28 at maaabot ang peak nito sa Abril 23.

Maaaring masilayan ang meteor shower na ito pagkatapos lumubog ng araw hanggang sa mawala ang liwanag ng meteor shower sa horizon dakong 10:11 pm.

Inaasahang mag-peak ito dakong 8pm kayat mas magandang mapanood ito bago mawala ang makinang na meteor sa Abril 23.