Ginawaran na ng parangal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Sen. Manny Pacquiao matapos ang naging laban nito kay Adrien Broner noong Enero.

Mismong sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP chief of staff Gen. Benjamin Madrigal ang naggawad ng AFP Meritorious Achievement Medal sa fighting senator.

Kinonfer din si Pacquiao bilang honorary member ng Philippine Army Scout Rangers.

Taong 2006 nang pumasok bilang AFP reserved officer si Pacquiao na ngayon ay may ranggong colonel.

Sa talumpati ni Madrigal, kanilang ipinagmamalaki si Pacman sa naging husay at galing nito sa kaniyang pakikipaglaban.

Taglay aniya ni Pacman ang mga katangian ng isang tunay na Scout Ranger tulad ng pagiging matapang humarap sa anumang hamon maging kapalit man nito’y pag-aalay ng kaniyang buhay

Sa kaniyang panig naman, sinabi ni Lorenzana na magsisilbing inspirasyon ang Pinoy ring icon sa lahat ng mga Sundalo sa lahat ng laban nito.

Ang pagmamahal aniya sa watawat ang siyang nagpapatibay kay Pacman na lalong magpatuloy sa laban hindi lamang sa Boxing ring kung hindi sa buhay.

Nagpasalamat naman si Pacquiao sa iginawad sa kaniyang parangal at ipinagmalaki rin nito ang kaniyang pagiging sundalo bilang miyembro ng tinaguriang elite force ng militar.