-- Advertisements --
meralco1

Naka-standby na rin ang Manila Electric Company (Meralco) hinggil sa mga posibleng power outages na idulot ng Bagyong Karding.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, nagpatupad na ng ilang hakbang ang kumpara para mapagaan nito kahit papano ang posibleng maging epekto ng nasabing bagyo.

Kabilang na rito ay ang pagbibigay abiso sa mga billboard owners at operators na pansamantala muna nilang i-roll up ang kanilang mga billboard upang maiwasan na masira at bumagsak ito sa mga electrical facilities.

Paliwanag ng tagapagsalita, ang mga ganitong pangyayari kasi aniya ang kadalasang nagiging sanhi ng power outages lalo na sa tuwing malakas ang hangin.

Bukod dito ay nanawagan din ang Meralco sa publiko na tiyaking nakapatay ang switch ng main electrical power o circuit breaker ng mga ito sa kani-kanilang tahanan sakaling maranasan ang mga pagbaha.

Hinikayat din nito ang taumbayan na palaging patayin at tanggalin sa pagkakasaksak ang mga appliances, at iba pa kung kinakailangan.

Samantala, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) hanggang ngayon ay nananatiling normal naman ang kondisyon ng mga transmission lines at facilities nito sa gitna pa rin ng pagbuhos ng ulan na dulot naman ni Bagyong Karding.