Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer na mananatili itong full alert para asikasuhin ang anumang pagkaputol ng kuryente sa pagdiriwang ng All Saint’s Day at All Souls Day.
Bagama’t isasara ang business center nito sa Nob. 1 at 2 dahil ang parehong araw ay idineklara bilang mga special non-working holiday.
Sinabi ng Meralco na nakahanda na ang kanilang mga tauhan at sistema upang tumugon anumang oras sa anumang mga alalahanin na may kinalaman sa kuryente sa Undas.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, patuloy na naka-standby ang kanilang tauhan upang tumugon sa alalahanin ng publiko.
Hinikayat din ng kumpanya ang mga customer nito na magsagawa ng mga hakbang sa kaligtasan sa kuryente at kahusayan sa enerhiya.
Ayon sa MERALCO, kasama sa ilan sa mga tamang hakbang ang hindi pagsaksak ng mga extension cord sa iisang saksakan ng kuryente, hindi paglalagay ng mga cord sa ilalim ng mga alpombra, at pag-off o pagpatay ng mga appliances kapag hindi ito ginagamit upang makaiwas sa insidente ng sunog.