CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi man hayagang inaaukusahan ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr na gumagamit ng ilegal na droga subalit dapat umano pag-aaralan ng publiko ang kalagayan ng pag-iisip nito.
Ito ang banat ng dating press secretary ni Marcos na si Atty Trexie Cruz – Angeles kasunod ng kanilang Hakbang Maisug peaceful rally na isinagaw sa gymnasium ng Barangay Agusan ng lungsod.
Sinabi ni Angeles na tanging mga dalubhasa lang umano ng teknolohiya ang may kakayahan na tumbukin kung lehitimo o imbento ang kumalat na video kung saan isang lalaki ang nakikita na iginiit na mayroong kahawig kay Marcos na humihithit ng suspected substance.
Paliwanag ng abogada na kailangang bantayan ang mga desisyon at mga galaw ng pangulo dahil nakasalalay ang pangkalahatan na kinabukasan ng bansa sa kasalukuyang administrasyon.
Magugunitang kapwa ipinag-giitan ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police at DILG na peke ang video at paninirang puri lang ang pangunahing layunin upang magalit ang publiko kay Marcos.
Napag-alaman na hindi na pumatol si Marcos sa mga banat ng kanyang mga kritiko kahit masakit ito para sa direkta niyang mga kaanak at mga alyado ng politika.