Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga police commanders na istriktong i-monitor ang pag-uugali ng kanilang mga personnel lalo na doon sa mga nagpapakita ng senyales ng emotional at mental health problems.
Binigyang-diin ni PNP chief, ang isyu sa mental health ay hindi dapat ipagsawalang bahala kagaya ng pisikal na pangangatawan.

Ang pahayag na ito ni Eleazar ay kasunod ng umano’y pag-suicide ng isang police trainee ng PNP Maritime Group sa Rosario, Cavite.
Kaya naniniwala si Eleazar na malaki ang maitutulong sa kanilang mga tauhan kung regular nang isasailalim sa neuro-psychiatric test.
Ayon kay Eleazar, nabatid na nakararanas na ng depresyon ang naturang police trainee na natagpuang walang malay ng kaniyang mga kasama sa rooftop ng kanilang boarding house.
Sinasabing ginamit umano ng nasabing trainee ang baril ng kaniyang field training officer na si CM/Sgt. Erwin Yazar para magpakamatay na kasalukuyan nang iniimbestigahan.
Ang biktima ay 25-anyos at tubong Alcala, Cagayan.
Dahil dito, pinababantayan ng PNP chief sa mga immediate supervisor ang kanilang mga police trainee gayundin sa lahat ng police unit commanders sa kanilang mga tauhan para hindi na maulit ang nasabing insidente.














