Binigyan ng bagong pag-asa ang magkapatid na sina Erik at Lyle Menendez na makalaya matapos ang 35 taon sa kulungan.
Ito’y matapos bawasan ng isang hukom sa US ang kanilang sentensiya mula sa hambambuhay na pagkakakulong nang walang parol, patungong 50 taon hanggang habambuhay.
Ayon kay Los Angeles County Superior Court Judge Michael Jesic, karapat-dapat bigyan ng pagkakataon ang magkapatid na humarap sa parole board. Nakatakda ang kanilang parole hearing sa Hunyo 13, 2025.
“I do believe they’ve done enough in the past 35 years, that they should get that chance,” ani Jesic.
Matatandaan na na-convict ang magkapatid noong 1996 sa pagpatay sa kanilang mga magulang na sina Jose at Kitty Menendez sa loob ng kanilang tahanan sa Beverly Hills noong 1989.
Ayon sa magkapatid ang dahilan ng pagpatay sa kanilang mga magulang ay dahil umano bunga ng matagal na pang-aabuso ng kanilang ama, habang iginiit ng prosekusyon na pera ang motibo ng pagpatay.
Sa kabila ng pagtutol ng prosekusyon, pinaboran ng hukom ang mga testimonya ng mga kaanak at tagasuporta ng magkapatid tungkol sa kanilang pagbabago at rehabilitasyon habang nakakulong. Tumindig din ang ilang kaanak para ilarawan ang sinapit nilang abuso noong bata pa ang magkapatid.
Ayon kay Erik Menendez sa kanyang pahayag. “On Aug. 20, 1989, I killed my mom and dad. I make no excuses and also no justification.”
Emosyonal naman na sinabi ni Lyle Menendez sa court room, “The impact of my violent actions on my family … is unfathomable.”
Bagaman hindi binaba sa manslaughter ang kaso —na sana’y magbubunga ng agarang paglaya —malugod itong tinanggap ng kanilang abogado na si Mark Geragos bilang malaking hakbang sa pagsulong ng kanilang kaso.
“Real people who have lived through unimaginable horrors. And I’m hopeful and glad that we’re one huge step closer to bringing the boys home,” ani Geragos.