-- Advertisements --

Hindi pinalampas ng lindol nang ganda ng mga kandidata matapos yanigin ng 6.9 magnitude ang Cebu City sa kasagsagan ng gala night ng Miss Asia Pacific International 2025 sa isang hotel sa North Reclamation Area.

Sa gitna ng closing remarks ng host, biglang lumindol kaya’t nagsilikas ang mga kandidata at nagtago sa ilalim ng mga lamesa habang bumabagsak ang bahagi ng kisame at chandelier.

Sugatan naman si Miss Belgium, Jana Janssen matapos madulas mula sa runway.

Ang gabi ay nagsimula sa masiglang pagtatanghal ng fashion show, kung saan 42 kandidata ang rumampa suot ang mga terno na gawa ng mga tanyag na designer.

Dumalo rin sa event si Cebu Governor Pamela Baricuatro.

Nabatid na ang kikitain mula sa auction at table sales ay nakalaan para sa Operation Smile Philippines, isang organisasyong nagbibigay ng libreng operasyon para sa mga batang may bingot at iba pang facial deformities.

Ayon sa mga nakasaksi, nagsimula ang lindol bilang mahina ngunit lumakas umano agad. Mabilis na inilikas ng hotel staff ang mga bisita sa parking area, kung saan namigay ng tubig at upuan para pakalmahin ang mga tao.

Naglabas naman ng pahayag ang Miss Asia Pacific International organization, na ligtas ang lahat ng kandidata at staff. Patuloy rin ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga ahensya para sa assessment at tulong.

‘The organization has taken immediate measures to ensure the well-being of our candidates and staff, and we remain committed to their continued safety and care,’ ayon sa pahayag.

screengrab from @missasiapacificinternational / FB