-- Advertisements --

Naka-deploy na ang halos 400 Special Action Force (SAF) troopers sa mga lugar na binanggit sa Memorandum Order No. 32 ng Malakanyang.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde, pagkalabas ng Memorandum 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte ay agad nitong ipinag-utos sa SAF director ang deployment ng tig-isang kompanya ng mga tropa nito sa Bicol, gayundin sa Samar at Negros Oriental.

Sa Negros Occidental naman ay may permanente ng SAF na naka-deploy kaya hindi na nagpadala ng dagdag na tropa.

Sinabi ng PNP chief na ang bawat isang kompanya ng SAF ay may 127 hanggang 132 personnel, habang apat hanggang anim ang mga officer.

Paliwanag ni Albayalde na sa sitwasyon sa Negros Occidental, kanila na lamang ire-realign ang puwersa ng SAF at ideploy nila sa lugar na ituturing na critical areas.

Tiniyak nito na wala naman naging epekto sa kanilang present security set up ang panibagong deployment ng mga SAF troopers.

Wala rin aniyang katotohanan ang mga lumalabas na ulat na “preclude” para sa pagdeklara ng nationwide Martial Law ang Memorandum 32.

Una nang naiulat na dahil sa mga nangyayaring pananambang, pag-overrun sa isang police station, at ang massacre sa Sagay City, ang siyang dahilan para maglabas ng Memo 32 ang Pangulo.

Ang mga lugar na binanggit sa memorandum ay kilala umano kung saan may malakas na puwersa ang New Peoples’ Army pero walang presensiya ng mga teoristang Islamic State of Iraq and Syria.