CENTRAL MINDANAO-Biyayang maituturing ng mga residente ng Brgy. Kalawaig, Banisilan, Brgy. Molok, Pigcawayan at Brgy. Binoongan Arakan, Cotabato ang muling pagbabalik ng medical and dental outreach programs ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Kahapon pormal nang sinimulan ng medical team at personahe ng probinsya katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsasagawa ng libreng tuli, bunot ng ngipin, check-up at pagbibigay ng gamot sa mga residenteng may karamdaman sa unang tatlong barangay na benepisyaryo ng programa.
Batay sa datus ng IPHO, abot sa 214 na indibidwal ang nakinabang ng libreng medical check-up, 48 naman sa libreng bunot ng ngipin, 18 sa libreng tuli at 14 na indibidwal naman ang nakatanggap ng libreng bakuna kontra Covid-19.
Ang pagsisimula ng outreach program sa probinsya ay sinaksihan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza kung saan nabanggit nito na seryoso ang probinsya sa paghahatid ng tulong medikal sa malalayong barangay ng lalawigan.
Ang medical outreach program ay isa sa mga flagship programs ni Governor Mendoza ng manungkulan itong gobernador ng probinsya noong 2010-2019.