Patuloy ang natatangap na pagkilala ng white beach ng Boracay matapos itong mapasama sa listahan ng Best Beaches in the World para sa 2025 ng Big 7 Travel, isang travel platform na nakabase sa United Kingdom.
Nasa ika-10 pwesto ang White Beach, na pinuri dahil sa pinong puting buhangin nito at klasikong tropikal na tanawin na may mga punong niyog at iilang kagubatan.
Nanguna naman sa listahan ang Whitehaven Beach sa Australia. Ayon sa Big 7 Travel ang batayan sa ranking ang mga dating resulta, kasikatan sa social media, at opinyon ng kanilang editorial team.
Hindi ito ang unang beses na kinilala ang Boracay. Noong 2022, itinanghal ito bilang ikalawang “most Instagrammable place in the world,” habang noong 2020 ay napabilang din ito sa “50 Most Beautiful Places,” kung saan nagtamo ito ng ika-18 pwesto.
Kasama rin sa nasabing listahan ang Palawan na nasa ika-8 puwesto.