CAUAYAN CITY- Naging matagumpay ang unang araw ng COVID-19 vaccination na isinagawa sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Karamihang nabukunahan ng Sinovac Vaccines ay mga Doktor ng Cagayan Valley Medical Center.
Sa naging pahayag ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr, Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na nauna siyang nagpaturok ng bakuna kontra COVID-19 sinundan din ng mga doktor ng CVMC.
Sinabi ni Dr. Baggao na ayon sa mga vaccintaors, aabot sa 108 ang nabakunahan ngayong araw na nagsimula 8:00am-4:00pm.
Ayon kay Dr. Baggao, ipinakita nilang mga Doktor at mga healthcare workers sa mga mamamayan na ligtas ang bakunang Sinovac ng China at magbibigay proteksiyon sa mga nakabunahan.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na gumaan ang kanyang pakiramdam matapos maturukan ng bakuna kontra COVID-19.
Bukas, second day hanggang sa mga susunod na araw ay puntirya nilang mabakunahan ang hanggang 150 health workers kada araw at kapag magawa nila ito ay matatapos sila sa loob ng 10 araw na pagbakuna sa 1,548 empleyado ng CVMC na handang magpabakuna.
Nanawagan naman si Dr. Baggao sa publiko na huwag matakot sa bakuna dahil ito ay ligtas gamitin
Samantala, inihayag ni Dr. Baggao na sumunod sila sa prosesong itinakda ng DOH sa pagbabakuna tulad ng registration at counselling.
Ipinapaliwanag anya ng mga counsellors kung ano ang kahalagahan ng pagpapabakuna, ano ang inaasahang adverse effects at ano ang epekto ng bakunang ituturok.
Matapos nito ay sasailalim sa screening kung saan kinukuha ang vital signs tulad ng blood pressure, temperatura, respiratory rate, heart rate at iba pang vital signs.
Inaalam din kung mayroong medical conditions, tulad kung maysakit sa puso, diabetes, hypertension at sakit sa kidney.
Kapag na-clear na sa screening ay tutuloy na sa vaccination proper at matapos mabakunahan ay sasailalim sa observation sa loob ng isang oras sa observation monitoring area
Ilan lamang sa nakaranas ng adverse effect ng nabakunahan ng Sinovac ay ang pagkakaroon ng rashes ng dalawang medical worker habang ang isa ay sumakit ang ulo na normal lamang para sa nabakunahan.