Naniniwala si National Task Force against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr. na ang pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ay hindi “sustainable strategy” laban sa COVID-19.
Ginawa ni Sec. Galvez ang pahayag nang matanong sa Malacañang briefing kung ang dalawang linggong MECQ sa Metro Manila at karatig-lalawigan ay naging epektibo sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Sec. Galvez, ang “way forward” talaga ay ‘yung granular implementation ng lockdown pag nag-MECQ, ang laki ng collateral o epekto nito sa kabuhayan ng mga mamamayan.
Ayon kay Sec. Galvez, kailangang mapalakas ang mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng localized lockdown dahil mas madali rito ang pagtugon at interventions sa mga areas na kailangang i-lockdown.
Simula bukas, balik sa general community quarantine ang Metro Manila at karatig-lalawigang Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal kung saan magbabalik ang mga public transportation at magbubukas mula ang mga negosyong natigil ang operasyon dahil sa lockdown.
“So, ang nakikita po natin, if we will empower LGUs dahil sila naman po ang pinakaleader, kung sila po ang mamumuno, nakikita po natin na ‘yung mga areas na dapat i-lock down, mas madali po ‘yung mga response at interventions. ‘Yung way forward po natin is ‘yung localization ng implementation ng national action plan,” ani Sec. Galvez.