Labis na nagsisisi si Steve Easterbrook sa ginawa nitong paglabag umano ang isa sa pinaka mahalagang patakaran ng McDonald’s.
Tinanggal bilang chief executive officer at president ng naturang fastfood chain si Easterbrook matapos mabatid ng mga board of directors na may relasyon ito sa isang empleyado.
Inamin ni Easterbrook ang nasabing relasyon sa pamamagitan ng email na ipinadala nito sa lahat ng empleyado ng kumpanya.
Ayon sa dating CEO, isang pagkakamali ang kaniyang ginawa dahil binalewala nito ang values na pinanghahawakan ng kumpanya. Maluwag din niyang tinanggap ang naging desisyon ng board of directors na kaagad siyang palitan.
Itinalaga naman si Chris Kempczinski upang pumalit sa pwesto ni Easterbrook. Si Kempczinski ang kasalukuyang presidente ng McDonald’s USA.
Malugod namang tinanggap ni Kempczinski ang bagong hamon sa kaniyang karera at positibo raw ito na matutulungan niya pa na mas lalong lumago ang fastfood chain.