Nagmatigas si Jomalig, Quezon Mayor Nelmar Sarmiento na bumaba sa puwesto sa kabila ng kautusan mula sa korte.
Sinabi ni Mayor Sarmiento na hindi siya aalis sa kanyang puwesto, sa halip ay kukunin niya ang payo ng kanyang abogado dahil hindi pa pinal at executory ang desisyon.
Nauna nang ipinag-utos ng korte kay Sarmiento na bumaba sa kanyang puwesto, mapayapang lisanin at i-turn over ang opisina ng alkalde kay Rodel Espiritu, na siyang “tunay na nagwagi” noong Mayo 9, 2022 bilang alkalde.
Ang utos na may petsang Oktubre 28, 2022 at nilagdaan ni presiding Judge Raymund Joseph SoroƱgon, Regional Trial Court Branch 65 ng Infanta, Quezon, ay nagproklama sa election protestor na si Espiritu bilang ang totoo at nararapat na nahalal na alkalde ng munisipalidad ng Jomalig noong May 9, 2022 National and Local Elections.
Ipinag-utos din nito kay Mayor Sarmiento na agad na lisanin ang opisina at bayaran kay Espiritu ang mga gastos sa election protest proceedings.
Ayon sa kautusan, nanalo si Espiritu ng 18 boto para sa kabuuang 2,167 boto laban sa 2,149 na boto ni Sarmiento.
Sa kabilang banda, nagpasalamat si Mayor Espiritu sa korte sa pagpapasya nito pabor sa kanyang election protest.
Hinihiling ni Espiritu kay Sarmiento na igalang ang desisyon ng korte. Kung hindi, mapipilitan daw siyang humingi ng tulong sa pulisya para maipatupad ang desisyon.
Samantala, ang mga tagasuporta ni Sarmiento ay pumunta sa Jomalig municipal hall para sa isang prayer vigil, habang ang mga residente ng Jomalig ay sabik na binabantayan ang sitwasyong pampulitika ng kanilang bayan.
Ang Jomalig ay isang maliit na munisipalidad sa isla, na kilala sa mga world-class na beach nito.