Naglabas ng panibagong direktiba si Mayor Benjamin Magalong hinggil sa mga problema ng Social Amelioration Program sa lungsod.
Upang mapabilis umano ang proseso sa pagpili ng mga benepisyaryo, ipinag-utos ni Magalong sa mga barangay officials na regular nilang ipopost sa kanilang social media pages at pati na rin sa mga pampublikong lugar ang mga makakatanggap ng package.
Dagdag aniya na dapat ay mayroong tatlo hanggang limang katao sa komunidad na kwalipikadong maging bahagi ng screening committee upang masigurado na magiging tama ang mabibigyan ng SAP.
Ayon kay City Social Welfare and Development officer Betty Fangasan, upang masigurado na hindi madodoble o di kaya’y mapagpapaliban ang mga dapat makakuha ng SAP, kailangan ay maayos ang profiling ng mga pamilya sa barangay sa pamamagitan ng Form 200.
Magdedeploy ang mga otoridad ng mga tauhan sa iba’t-ibang barangay upang siguraduhin na lehitimo ang mga pangalan na ilalagay sa listahan.
Sa pinakahuling tala naglabas ang lungsod ng P4,090,000 na financial assistance para sa 757 benefiaciaries na magmumula sa 28 barangay sa Baguio City.