Hinamon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Department of Interior and Local Government (DILG) na kasuhan na lamang siya kasunod ng inilabas na show cause order laban sa kanya hinggil sa kabiguan ng lungsod sa paglaban kontra iligal na droga noong 2018.
Gawin na aniya ng DILG ang nais nitong gawin gayong mayroon namang demokrasya sa Pilipinas at wala namang haharang sa kagawaran kung ito ang talagang gusto nilang gawin.
Pero kung siya ang kukumustahin, sinabi ng alkalde na masyado siyang busy sa pagtugon sa mga problemang dulot ng COVID-19, partikular na sa kanyang mga nasasakupan sa Maynila.
Nauna nang pumalag ang alkalde sa memorandum na inilabas ng DILG, kung saan sinabi niyang nahalal siyang alkalde ng Manila City noon lamang 2019.
Nakasaad sa dokumento na kailangan magpaliwanag ni Domagoso kung bakit hindi siya at iba pang mga opisyal dapat mapatawan ng administraive charges dahil sa umano’y kakulangan o kabiguan ng naunang administrasyon.
Lumutang ang show-cause order laban sa alkalde matapos na dagsain ng maraming tao ang ilang vaccination sites sa Manila at iba pang lungsod.