-- Advertisements --
image 352

Gagastos ng mahigit P3 bilyon ang Maynilad Water para i-upgrade ang 17 sa umiiral nitong 22 sewage treatment plants (STPs) sa susunod na limang taon.

Kasama sa pag-upgrade ang pagdaragdag ng mga treatment process sa 17 sewage treatment plants bilang pagsunod sa binagong effluent standards o DAO 2021-19 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na nagtatakda ng mas mahigpit na mga alituntunin sa treated wastewater.

Ang Parañaque Water Reclamation Facility ng Maynilad na kasalukuyang pinakamalaking sewage treatment plant sa dami ng output ay sumusunod na sa nasabing pamantayan.

Pagsapit ng 2027, ang lahat ng 22 kasalukuyang wastewater treatment plant sa West Zone na may pinagsamang kapasidad sa treatment water na humigit-kumulang 684,707 cubic meters ng wastewater bawat araw ay ia-upgrade upang sumunod sa mga pamantayan ng ahensya.

Sa kabilang banda, ang mga bagong sewage treatment plants na pinaplano ng Maynilad na itayo sa mga susunod na taon ay magkakaroon na ng mga upgraded na proseso ng nutrient-removal sa treatment capacity design ng Maynilad.

Ang pag-upgrade ng 17 sewage treatment plants ay bahagi ng P178-billion na wastewater management spending plan ng Maynilad mula 2023 hanggang 2046.