Nilinaw ng Maynilad Water Services Inc. na saklaw lamang ng notice of disconnection ang mga customer na may overdue account sa nakalipas na dalawang buwan.
Ito ay matapos makatanggap ng text message ang mga netizens na magpapatupad ito ng service cuts simula Oktubre 1.
Sinabi ni Maynilad Corporate Communications head Jennifer Rufo na sinusuri na ngayon ng water concessionaire ang text blast sa gitna ng kalituhan na idinulot nito sa mga customer.
Aniya, ang Maynilad ay nagpapatupad lamang ng service disconnection para sa mga customer na may mahigit dalawang buwang overdue na account at hindi agad nagpapatupad ng disconnection.
Sa katunayan aniya, ang mga customer ay maaaring pumunta sa mga sangay o opisina ng Maynilad upang pumirma sa isang promissory note arrangement kung hindi nila kaagad mabayaran ang kanilang mga bayarin.
Batay sa text message ng Maynilad, ipatutupad nito ang water service disconnection kahit holiday at weekend.
Gayunpaman, ang bagong patakaran ay bilang pagsunod sa implementing rules and regulations (IRR) na inilabas ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Giit ni Rufo na pitong araw lang ang sakop ng exemption sa water disconnection sa mga customers.