-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naghahanda na ang Matnog port sa Sorsogon para sa dagsa ng mga pasahero ngayong papalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na sinabayan pa ng panahon ng Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, tuwing gantong panahon ay umaabot ng 8,000 hanggang 10,000 ang mga pasahero na dumadaan sa pantalan bawat araw mula sa normal na bilang na nasa 2,000 pasahero lamang.

Dahil dito, naka-heightened alert na ang pantalan na nakikipagtulongan na sa Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority, Philippine National Police at iba pang mga ahensya ng gobyerno para sa pagbibigay ng seguridad sa mga biyahero.

Samantala, mahigpit naman ang payo ni Galindes sa mga pasahero na habang maaga pa ay simulan ng bumiyahe upang hindi na maipit sa dagsa ng mga pasahero sa huling linggo ng Oktubre.